GINTONG SULAT




Marahil ay nabasa na ng ilan sa inyo ang liham ng magulang sa kanyang anak. O kung hindi pa, mangyaring basahin muna DITO bago magpatuloy (maigsi lamang 'wag maging tamad!).

Ang tula sa ibaba ay sagot ko lamang sa liham na iyan. Una na itong nailathala sa
Aking Nakaraan
(Aug. 6, 2008).

Paalala: maselan ang tula.
________________________________________________________________

Mahal kong Ama at Ina,


Pinalaki nyo kaming tama at may takot sa Dyos.

Mula pagkabata ay tinuruan ng mabuting asal.
Tinuruan kung paano makihalubilo sa kapwa.
Paano rumespeto sa nakatatanda…
At paano magbigay sa nakababata…Alam namin ang hirap na inyong binata.
Kung pano kayo gumapang para sa aming pagaaral…

Kung paano kayo napuyat pag kami’y may karamdaman.
Kung paano n'yo dinala ang aming kasawian…
Kung pano kayo naging masaya sa aming tagumpay.

Huwag kayong magalala sa inyong pagtanda,

Kung nanlalabo man ang inyong mga mata..

Hayaan nyong kami ang sa inyo ay magpakita

Ng bawat liwanag at gintong pagasa…


Hahabaan namin ang aming pasensya…

Hindi man kasing haba ng binigay n'yo noong una.

Aakayin kayo sa inyong paglakad…

Hihintayin gaano man kabagal…

Dahil alam naming sa inyong pagtanda…

Lumalabas ang madami nyong karamdaman.


Kung paulit-ulit man ang inyong pagsasalita.

Na parang isang plakang sira…

Wala kaming gagawin kundi kayo ay pakinggan…

Gaya nung mga araw na kayo ay nariyan

Upang maging tenga sa aming kalungkutan.


Kung anong amoy nyo sa inyong pagtanda,

Hindi namin iyon alintana…

Iintindihing mabuti na ang inyong katawan

Ay humihina na at pilit na lang na lumalaban.

Kaya kagaya ng dati kayo ay yayakapin…

Mas mahigpit pa sa pagkakayap nyo sa amin!


At dahil kami ay lumaking inyong pinag-aral,
Kailangan din naming maghanapbuhay.

Upang ang hinaharap ay mapaghandaan,

Upang kayo ay lubos na mapaglingkuran.

Kahit ilang milya pa ang layo namin sa inyo,

Nakikita pa rin namin ang mukha nyo sa litrato.


Babaunin namin lahat ng gintong aral

Na inyong itinuro at ikinintal sa isipan.

Sa aming pagbalik sa ating luklukan

Tayo ay magdamag na magkukwentuhan.

Ipapaalala sa inyo ang mga nakaraan

Hanggang ang katawan ay mapagod at mahimlay.


At kung sa sandaling kailangan na kaming iwan,

Mabuting ngayon pa lang ay inyong malaman:

Na kami ay nagpapasalamat sa lahat ng natutunan

Na kami ay nagsisisi sa mga ginawang kasalanan

Na kayo ay ipinagmamalaking tunay…

At higit sa lahat:

Kayo ay lubos naming minamahal
!


___________________________________________

Copyright 2009 HUE and YOU.... All rights reserved.