GINTONG SULAT




Marahil ay nabasa na ng ilan sa inyo ang liham ng magulang sa kanyang anak. O kung hindi pa, mangyaring basahin muna DITO bago magpatuloy (maigsi lamang 'wag maging tamad!).

Ang tula sa ibaba ay sagot ko lamang sa liham na iyan. Una na itong nailathala sa
Aking Nakaraan
(Aug. 6, 2008).

Paalala: maselan ang tula.
________________________________________________________________

Mahal kong Ama at Ina,


Pinalaki nyo kaming tama at may takot sa Dyos.

Mula pagkabata ay tinuruan ng mabuting asal.
Tinuruan kung paano makihalubilo sa kapwa.
Paano rumespeto sa nakatatanda…
At paano magbigay sa nakababata…Alam namin ang hirap na inyong binata.
Kung pano kayo gumapang para sa aming pagaaral…

Kung paano kayo napuyat pag kami’y may karamdaman.
Kung paano n'yo dinala ang aming kasawian…
Kung pano kayo naging masaya sa aming tagumpay.

Huwag kayong magalala sa inyong pagtanda,

Kung nanlalabo man ang inyong mga mata..

Hayaan nyong kami ang sa inyo ay magpakita

Ng bawat liwanag at gintong pagasa…


Hahabaan namin ang aming pasensya…

Hindi man kasing haba ng binigay n'yo noong una.

Aakayin kayo sa inyong paglakad…

Hihintayin gaano man kabagal…

Dahil alam naming sa inyong pagtanda…

Lumalabas ang madami nyong karamdaman.


Kung paulit-ulit man ang inyong pagsasalita.

Na parang isang plakang sira…

Wala kaming gagawin kundi kayo ay pakinggan…

Gaya nung mga araw na kayo ay nariyan

Upang maging tenga sa aming kalungkutan.


Kung anong amoy nyo sa inyong pagtanda,

Hindi namin iyon alintana…

Iintindihing mabuti na ang inyong katawan

Ay humihina na at pilit na lang na lumalaban.

Kaya kagaya ng dati kayo ay yayakapin…

Mas mahigpit pa sa pagkakayap nyo sa amin!


At dahil kami ay lumaking inyong pinag-aral,
Kailangan din naming maghanapbuhay.

Upang ang hinaharap ay mapaghandaan,

Upang kayo ay lubos na mapaglingkuran.

Kahit ilang milya pa ang layo namin sa inyo,

Nakikita pa rin namin ang mukha nyo sa litrato.


Babaunin namin lahat ng gintong aral

Na inyong itinuro at ikinintal sa isipan.

Sa aming pagbalik sa ating luklukan

Tayo ay magdamag na magkukwentuhan.

Ipapaalala sa inyo ang mga nakaraan

Hanggang ang katawan ay mapagod at mahimlay.


At kung sa sandaling kailangan na kaming iwan,

Mabuting ngayon pa lang ay inyong malaman:

Na kami ay nagpapasalamat sa lahat ng natutunan

Na kami ay nagsisisi sa mga ginawang kasalanan

Na kayo ay ipinagmamalaking tunay…

At higit sa lahat:

Kayo ay lubos naming minamahal
!


___________________________________________

PAGNINIIG




Hindi ko hilig ang kumuha ng gawa ng iba. Lahat ng nabasa ninyo dito ay natural na galing sa utak at puso ko. Ngunit sa unang pagkakataon, hayaan nyo akong ibahagi ang isang tulang alam kong pupukaw (muli) sa inyo, at muling gigising sa natutulog nyong diwa! Ito ay ginawa ng isang kaibigan...


Kasabay nang pagbuhos ng ulan…
Una mong ilalatag ang iyong katawan…

Kasunod nito ang papaibabaw ako…
Aking kaputian ay lalapat sa iyong kaitiman
Sa pagbuhos ng init…
Unti-unting iikot…gigiling…gugulong…

Hanggang mga katas natin ay papag-isahin…
Ikaw ang mangingibabaw…

Sa tapang mo ako’y matutunaw…
Sasambulat ang iyong kulay at amoy…
At s
a paghupa ng ating pagniniig…
Mapupukaw ang natutulog na isip…
Madidinig ang kanilang sambit…

Aaaahhhh…kaysarap talaga ng kape…
Lalo na sa maulang gabi…
_____________________________________

INIT SA TAG-ULAN



Sa pagpatak ng ulan sa bubungan

Ikaw ay nakaabang sa bintana sa Kanluran.
Isasabay mo sana ang pagdaloy ng iyong mga luha
Ngunit nagulat ka sa aking ginawa.
Sa aking ingay bumalik ang iyong ulirat
Tumakbo ka sa aking unang hudyat.

Ang init ng iyong kamay muli kong nadama

At muli kong naamoy ang iyong hininga.

Sa tagal ng iyong pagkakapit

Buong katawan ko ay nag-init!

Halos dumampi na ang iyong mga labi

Patuloy kang nagsalita at agad humikbi.

Ah! kay lambot ng ‘yong kamay sa aking kahubdan

Ngunit bakit boses mo ay gumaralgal?

Sa mahigpit mong kapit ika’y napapikit

At ang iyong tuhod, tila nanginginig!

Dagli mo akong sinakal… ibinato…

Kinitil mo ang buhay ko…

Pano ka na?

Wala ka ng nobyo…

Wala ka pang telepono…


____________________________________

TORTURE



Punit-punitin man ang aking pagkatao
Tatayo pa rin akong naka-taas noo
Kahit durugin pa ang aking mga buto
Kahit hambalusin pa ng pala ang ulo!

Luray-lurayin man ang aking mga laman
Buong-tapang akong haharap sa tanan
Kahit agawin pa ang dalawang paningin
Kahit putulin pa ang dila kong angkin.

Basag-basagin man ang aking mukha
Nakatunghay pa ring tititig sa madla
Kahit na kuko ay tanggaling isa-isa
Kahit na buhok ay lagas na lagas na.

Ibitin-bitin man ang buong katauhan
Mamamatay akong may paninindigan
Kahit na kuryentehin ang aking katawan
Tanging itutugon: “WALA AKONG ALAM!

___________________________________________

OVERUSED



Sa aking paglalakad ika’y natanawan

Angkin mong kagandahan aking nasilayan
‘Di nagdalawang-isip, ikaw ay tinitigan
Isinama kita sa aming tahanan.
Sa kagustuhan kong ikaw ay masarili
Sa aking silid, tayo’y magkatabi
Ikaw ay pinagod at aking ginamit
Di ko namalayang damit mo’y napunit.
Ako ay nagulat may araw na pala
Ikaw at ako ay nagkakasundo pa.
Nang ako’y mapagod, ikaw ay humiga
Ako ay pumikit… ika’y nagpahinga.
Sa pagmulat ng mata, ikaw ay hinanap
Nakahiga pa rin ngunit ako’y nagulat!
Bakit tila yata ikaw ay nagbago,
Nawala ang ganda at ang iyong bango!
Ako ay nag-isip kung anong gagawin
Gusto kong ibalik ang ganda mong angkin.
Sa aking sisidlan, labaha ay kinuha…
At sa gagawin ko’y, patawarin sana!
Kailangang ikaw ay aking saktan
Upang ang ganda mo’y muling masilayan
Upang magamit kang muli at pakinabangan…
Halika sa tabi ko… ika’y TATASAHAN.
(Mula sa mahalay na isip ng mapanuring panitik
MULING INILATHALA para sa mahahalay na tagasubaybay….
)
____________________________________________

PAGTAKAS


Kung sa iyong mundo ika’y nasisikipan
Ikaw ay lumabas at magpahangin man lang.
Tanawing sandali ang kapaligiran
At magpasalamat sa buhay na hiram.


Kung sa iyong mundo ika’y nalulungkot
Subukang ngumiti kahit na may kirot
Balikan mo saglit ang iyong nakaraan
At alalahanin ang bawat halakhakan.


Kung sa iyong mundo ikaw ay pagod na
Bakit di mo subukang minsa’y magpahinga

Humiga sa silid, ipikit ang mata

Kalimutan muna lahat ng pangamba.


Kung sa iyong mundo ika’y gulong-gulo
At di mo mahanap ang kaligayahan mo

Sa tabi ng dagat ikaw ay pumasyal

Isigaw mong lahat ng iyong alinlangan.


Kung sa iyong mundo ikaw ay sawa na

At gusto mong lumipat sa mundo ng iba

Isiping mabuti, baka magsisi ka

Dahil ang iyong mundo ay mundo din nila!

_______________________________________

Pangalawang Hinagpis



Sa matagal na pagtatago ko sa katahimikan

Ako’y lumalantad ng may katinuan
Ang bawat tanong ay bibigyang kasagutan
Ang lahat ng dilim, aking liliwanagan.

Noong araw na ikaw ay aking natanawan
Nabighani agad ako sa iyong kagandahan
Pinilit kong limutin ang sugat ng nakaraan
Dahil batid kong sa’yo ako’y mapapamahal.

Noong una ay masaya ang ating samahan
Dahil meron pa rin akong kaunting kalayaan
Ngunit dahil na rin sa kalayaang iyan
Ako’y nagkamali at ikaw ay nasaktan!

Pinilit kong magbago alang-alang sa iyo
Pilit tinalikuran ang sarili kong mundo
Unti-unting nabura ang aking pagkatao
Dahil nawala ang kalayaang meron ako!

Kung dati-rati ay may halakhak sa silid
At maaari pang gawin lahat ng aking ibig
Ngayon ay dalangin kong oras ay lumipas na
Upang bukas ay muling makagulong at magsaya!

Tiniis ko ang lahat, ngunit ako’y nadurog na
Nawala ang bawat ngiti at dati kong sigla.
Nakasanayan ko na rin ang buhay sa selda
Nagsulat akong muli at doo’y nalulong na!

Hindi ko suka’t akalaing pati sa aking mga gawa
Ikaw ay magiisip na muli akong “lumaya”
Ako’y nanahimik, di na lang nagsalita
Hinayaan ko na lamang ang iyong akala!

Ang kagustuhan kong magsulat ng malaya
Ay tila muling lumipad at nawala
Kailan mo kaya ako bibigyan ng tiwala?
Kapag katauhan ko ba’y naging sirang-sira?
______________________________________________

BATANES


(para sa dating kaibigang di ko na matunton… alam kong mahal mo ang Batanes!)
Hayaan mong ipadama ko ang aking pagmamahal
Pagmamahal na ipinagdamot kaninuman.
Pag-ibig na walang pinagkalooban.
Pagsintang tanging sarili ko lang ang may alam.

Hayaan mong piringan ko ang iyong mga mata
Upang pagmulat mo’y magulat ka sa ganda
Sa Batanes, doon tayo pupunta.
Ipapadama ko sa’yo ang lahat ng saya.

Sa Batanes, mahal ko ang katahimikan.
At ang bawat ihip ng hanging amihan
Madarama mo hanggang kaibuturan
At titiyakin kong di mo makakalimutan.

Sa pagbalik nating dalawa sa kapatagan
Hahawakan ko ang iyong mga kamay
Ikukulong kita sa aking mga bisig
Hanggang ika’y mapagod at maidlip…

Ikaw ay gigisingin ng aking mga halik
At ng mga yakap kong pagkahigpit
Sa Batanes… doon ko sisimulan…
Kung paano muli ang magmahal!!!


__________________________________________________
walang tanong na sasagutin tungkol sa tulang ito! (seryoso…)
Copyright 2009 HUE and YOU.... All rights reserved.