Pikit-matang hinarap ang buhay na hiram
Pilit iwinaksi ang lahat ng agam
Nagbingi-bingihan sa bulong at sigaw
Hindi inalintana ang kilos at galaw.
Nagbulag-bulagan sa katotohanan
Kahit ang liwanag ay ‘di tinanawan
Nagmistulang pipi sa gitna ng karamihan
Wala ni isang salitang binitiwan.
Ang tanging laman ng puso at isipan
Ay ang kaligayahan sa nakaraan
Pansamantalang itinigil ang buhay
At ang inalala ay yaon lamang may kulay.
Huminto ang orasan sa sandaling iyon.
Katulad ng buhay, hindi nagpatuloy.
Diwa ay malinaw, puso ay may pintig
Di man gumagalaw ang katawan sa silid.
Katauhan ay naisalba nga ba?
O tuluyang namatay bagaman may pulso pa?
Buhay ang isipan sa kasalukuyan…
Ngunit bakit ang puso ay nasa nakaraan?___________________________________________