TIME OUT!




Kapag pagod ka na, ang sabi ng iba, pwedeng magpahinga.
Kapag hirap ka na, ang sabi ng iba, ibaba ang dala.
Kapag antok ka na, ang sabi ng iba, ipikit ang mata.
Kapag ngalay ka na, ang sabi ng iba, sa kabila'y bumaling ka.

Kapag mabigat na, hindi daw masamang bawasan ng isa.
Kapag nahihilo na, umupo lamang daw sa silya.
Kapag tuliro na, isip daw ay kailangan munang magpahinga.
Ngunit kung may "deadline" ka... matutulog ka pa ba?

Pag inurong ang deadline, lalo lamang matataranta
Dahil hahaba ang araw ng pag-iisip at pagpapasya.
Kapag tapos ka na, ang sabi ng iba, ay ipasa mo na!
Aba, teka! Pilipino ako... sa Mayo a-singko ko pa ipapadala!


___________________________________

NAGHAHAMON...





Kung ako ay iyong mahal…
Magawa mo kayang hawakan ang aking kamay?

Habang tayo’y magkasamang naglalakbay
Sa lansangan nitong buhay?

Kung ako ay iyong mahal…
Kaya mo kayang titigan ang aking mga mata?
Sabay sabing “minamahal kita
At sa puso ay wala ng iba pa”?


Kung ako ay iyong mahal…
Yayakapin mo ba ako sa bawat sandali?
Habang nakikita mong may lungkot sa labi
At puno ang puso ng dusa’t pighati?


Kung ako ay iyong mahal…
Halika’t hawakan mo ang aking mga kamay
At pakatitigan mo ang aking mga mata
Dahil wala na akong nanaisin pang iba.

Kung ako ay iyong mahal…

Halika’t ibulong mo sa aking tenga
Nang mayroong ligaya at saya

Ang mga katagang “Minamahal Kita”.






Nagmamahal,


_______________________________________
Copyright 2009 HUE and YOU.... All rights reserved.