Mahigit apat na libong milya
Labing dalawang oras na paglalakbay
Mula sa paliparan ng NAIA…
“Marhaba!” ang wika ng piloto
Sa paglapag ng salipawpaw
Isip ay tuliro.
Sa pagbukas ng telepono
“ETISALAT” ang bumungad
Bakit muling naririto?
Habang tinutunton ang daan palabas
Di naligalig sa haba ng pila
Ngunit dama ang banas.
Sa harap ng kinatawan ng bansang dinayo
Sagot ay pawang wikang Ingles
Sa mga tanong na ibinato.
Muli ay dayuhan sa bansa ng mga Arabo
Dama ang init ng kapaligiran
Nangangamba sa maaari pang kahinatnan.
Sa ikalawang pagkakataon
Labing walong buwan mula noon
Bumalik at nagpaampon.
Alipin man ng ibang nasyon
Minabuting mamuhay ng malayo at malaya
Kaysa maging busabos sa tinubuang lupa!
muling inilathala mula sa aking nakaraan.
ginawa ang tula pagkatapos ng tatlumpung araw na bakasyon sa Pilipinas.
hindi ako pinalad na makauwi ngayong taong ito...
kaya nagbalik-tanaw na lamang ako...
____________________________________