GINTONG SULAT




Marahil ay nabasa na ng ilan sa inyo ang liham ng magulang sa kanyang anak. O kung hindi pa, mangyaring basahin muna DITO bago magpatuloy (maigsi lamang 'wag maging tamad!).

Ang tula sa ibaba ay sagot ko lamang sa liham na iyan. Una na itong nailathala sa
Aking Nakaraan
(Aug. 6, 2008).

Paalala: maselan ang tula.
________________________________________________________________

Mahal kong Ama at Ina,


Pinalaki nyo kaming tama at may takot sa Dyos.

Mula pagkabata ay tinuruan ng mabuting asal.
Tinuruan kung paano makihalubilo sa kapwa.
Paano rumespeto sa nakatatanda…
At paano magbigay sa nakababata…Alam namin ang hirap na inyong binata.
Kung pano kayo gumapang para sa aming pagaaral…

Kung paano kayo napuyat pag kami’y may karamdaman.
Kung paano n'yo dinala ang aming kasawian…
Kung pano kayo naging masaya sa aming tagumpay.

Huwag kayong magalala sa inyong pagtanda,

Kung nanlalabo man ang inyong mga mata..

Hayaan nyong kami ang sa inyo ay magpakita

Ng bawat liwanag at gintong pagasa…


Hahabaan namin ang aming pasensya…

Hindi man kasing haba ng binigay n'yo noong una.

Aakayin kayo sa inyong paglakad…

Hihintayin gaano man kabagal…

Dahil alam naming sa inyong pagtanda…

Lumalabas ang madami nyong karamdaman.


Kung paulit-ulit man ang inyong pagsasalita.

Na parang isang plakang sira…

Wala kaming gagawin kundi kayo ay pakinggan…

Gaya nung mga araw na kayo ay nariyan

Upang maging tenga sa aming kalungkutan.


Kung anong amoy nyo sa inyong pagtanda,

Hindi namin iyon alintana…

Iintindihing mabuti na ang inyong katawan

Ay humihina na at pilit na lang na lumalaban.

Kaya kagaya ng dati kayo ay yayakapin…

Mas mahigpit pa sa pagkakayap nyo sa amin!


At dahil kami ay lumaking inyong pinag-aral,
Kailangan din naming maghanapbuhay.

Upang ang hinaharap ay mapaghandaan,

Upang kayo ay lubos na mapaglingkuran.

Kahit ilang milya pa ang layo namin sa inyo,

Nakikita pa rin namin ang mukha nyo sa litrato.


Babaunin namin lahat ng gintong aral

Na inyong itinuro at ikinintal sa isipan.

Sa aming pagbalik sa ating luklukan

Tayo ay magdamag na magkukwentuhan.

Ipapaalala sa inyo ang mga nakaraan

Hanggang ang katawan ay mapagod at mahimlay.


At kung sa sandaling kailangan na kaming iwan,

Mabuting ngayon pa lang ay inyong malaman:

Na kami ay nagpapasalamat sa lahat ng natutunan

Na kami ay nagsisisi sa mga ginawang kasalanan

Na kayo ay ipinagmamalaking tunay…

At higit sa lahat:

Kayo ay lubos naming minamahal
!


___________________________________________

PAGNINIIG




Hindi ko hilig ang kumuha ng gawa ng iba. Lahat ng nabasa ninyo dito ay natural na galing sa utak at puso ko. Ngunit sa unang pagkakataon, hayaan nyo akong ibahagi ang isang tulang alam kong pupukaw (muli) sa inyo, at muling gigising sa natutulog nyong diwa! Ito ay ginawa ng isang kaibigan...


Kasabay nang pagbuhos ng ulan…
Una mong ilalatag ang iyong katawan…

Kasunod nito ang papaibabaw ako…
Aking kaputian ay lalapat sa iyong kaitiman
Sa pagbuhos ng init…
Unti-unting iikot…gigiling…gugulong…

Hanggang mga katas natin ay papag-isahin…
Ikaw ang mangingibabaw…

Sa tapang mo ako’y matutunaw…
Sasambulat ang iyong kulay at amoy…
At s
a paghupa ng ating pagniniig…
Mapupukaw ang natutulog na isip…
Madidinig ang kanilang sambit…

Aaaahhhh…kaysarap talaga ng kape…
Lalo na sa maulang gabi…
_____________________________________

INIT SA TAG-ULAN



Sa pagpatak ng ulan sa bubungan

Ikaw ay nakaabang sa bintana sa Kanluran.
Isasabay mo sana ang pagdaloy ng iyong mga luha
Ngunit nagulat ka sa aking ginawa.
Sa aking ingay bumalik ang iyong ulirat
Tumakbo ka sa aking unang hudyat.

Ang init ng iyong kamay muli kong nadama

At muli kong naamoy ang iyong hininga.

Sa tagal ng iyong pagkakapit

Buong katawan ko ay nag-init!

Halos dumampi na ang iyong mga labi

Patuloy kang nagsalita at agad humikbi.

Ah! kay lambot ng ‘yong kamay sa aking kahubdan

Ngunit bakit boses mo ay gumaralgal?

Sa mahigpit mong kapit ika’y napapikit

At ang iyong tuhod, tila nanginginig!

Dagli mo akong sinakal… ibinato…

Kinitil mo ang buhay ko…

Pano ka na?

Wala ka ng nobyo…

Wala ka pang telepono…


____________________________________

TORTURE



Punit-punitin man ang aking pagkatao
Tatayo pa rin akong naka-taas noo
Kahit durugin pa ang aking mga buto
Kahit hambalusin pa ng pala ang ulo!

Luray-lurayin man ang aking mga laman
Buong-tapang akong haharap sa tanan
Kahit agawin pa ang dalawang paningin
Kahit putulin pa ang dila kong angkin.

Basag-basagin man ang aking mukha
Nakatunghay pa ring tititig sa madla
Kahit na kuko ay tanggaling isa-isa
Kahit na buhok ay lagas na lagas na.

Ibitin-bitin man ang buong katauhan
Mamamatay akong may paninindigan
Kahit na kuryentehin ang aking katawan
Tanging itutugon: “WALA AKONG ALAM!

___________________________________________

Copyright 2009 HUE and YOU.... All rights reserved.